"In the sweetness of friendship let there be laughter, and sharing of pleasures." Enjoy your cravings :)

Thursday, April 18, 2013

Balang araw, konti na lang.

Hindi man lang ako nakapagpasalamat ng maayos sa blog na ito. Bakit? Una, dahil hindi ako bumagsak. Ikalawa, dahil hindi ako nawalan ng pag-asa. Ikatlo, isa ito sa dahilan kung bakit pinagpatuloy ko pa rin ang laban kahit na dehado ako. Wala lang. Iba talaga ang Panginoon. Walang imposible. Tulad ng nangyari noong nakaraang semestre. Naalala niyo pa yung dinadrama kong asignatura (tingnan ang huli kong elektronikong sulat bago nito) ayun, nagkaroon ng himala, pasado, at hindi ako makapaniwala sa gradong nakuha ko. HAHAHA. At wala man ako sa wisyong magsulat ngayon, ni hindi gumagana ang mabulaklak kong dila para makagawa ng katha, sanay sapat na ito upang masulyapan ang kasiyahang taglay ko nang nakita ko ang numerong humusga sa apat na buwang pagpasok ko sa unibersidad. Nagkaroon ng bunga ang paglunok ko sa aking pride na kay tagal ko na ring inalagaan. Nabaliwala ang lahat ng takot ko at ang kanyang pamamahiya. Nakaya ko, simpleng pagbubuod ngunit hindi nakukuob ang tindi ng pinagdaanan at kinasapitan ko nang panahong iyon.

Iyon na nga, ang maikling sanaysay na ito, ay tanda na walang imposible gaano man kahirap ang pagsubok na nakaharang sa iyong daanan. Huwag munang sumuko, sapagkat hindi mo alam kung gaano kalayo ka dadalhin ng katatagan ng loob na iyan. Akala mo man o sa tingin mo ma'y walang mangyayari sa ginagawa mo, ituloy at subukan mo pa rin. Malay mo, magkaroon ng himala--tulad ngayon.

Kaya naman Banunay, tandaan mo, hindi ka mag-isa sa labang ito. Nariyan ang Diyos upang tulungan ka at gumawa ng kababalaghan. Magtiwala ka lamang sa kanya.

Tulad din nila, sa susunod na taon, isa na ako sa mga estudyanteng magpapaskil ng mga larawang magiging tanda ng tagumpay. Isang litratong may bakas ng apat na taon at higit pang pagsusumikap at pagtitiyaga. sa susunod na taon, sasablay din ako at hindi ito ang gradong lagapak kundi sablay na sinusuot. Isang simbolo ng pagtatapos sa mahal kong unibersidad. Isang tradisyong tatak UP.

Balang araw, konti na lang.

~ ♥ ☺ ♥ And that what life brings. ♥ ☺ ♥