"In the sweetness of friendship let there be laughter, and sharing of pleasures." Enjoy your cravings :)

Saturday, February 26, 2011

Buwaya: Pahirap sa Masa

Lupa. Ayon sa alamat na nakasaad sa bibliya, sa lupa raw tayo nagmula. Sa lupa rin naman tayo mamamatay, Kung walang lupa, wala tayong lalakaran. Walang maaaring mapagtaniman at walang mundong iikot-ikot sa haring tinatawag na araw.


Mahalaga ang lupa. Hindi mo ito maaaring ipagkaila. Kaya nga ang ibang buwaya ay pilit itong kinakamkam, hindi ba? Dadanak ang dugo, magkakaaway at maglalabanan—alang-alang sa lupang sinilangan.


Isang halimbawa na lang ang Hacienda Luisita, pataniman sa Tarlac na sumusukat ng 6435 ektarya at pagmamay-ari ng pamilyang Cojuangco. Kahit noong bata pa ako, naririnig ko na ang usapin ukol rito. Ang hidwaan ng mga nakikinabang rito laban sa tunay na nagpapawis at nag-aararo.


Mas lalo akong nalinawan sa isyu nang mapanood ko sa isang film showingang mga pangyayari sa likod ng midya. Patayan, saksakan, at ang sapilitang pagpapaalis ang siyang tumambad sa aking mga mata. Ito’y kaiba sa mga napapanood ko sa dyaryo at telebisyon na minamaniobra pala nila—mga makapangyarihan na nagbabayad ng pera para sa magandang balitang ipahahayag sa atin.


Nagsalita rin si Rainier Sindayen, dating presidente ng University Student Council, at kanyang binigyang diin ang kahalagahan ng pagsasalita at pagpapahayag ng saloobin sa pagbabago ng lipunan. Dahil sa ating paglaban sa budget cut, hindi ito naaprubahan ng gobyerno. Nabawi natin ang karapatang para sa atin.


Ganoon rin ang ginawa ng mga taga-Luisita, ipinaglaban din nila ang kanilang karapatan—nag-rally, sumama sa malawakang pag-aalsa—isinigaw nila ang kanilang saloobin, hinaing, dalamhati, at mga kagustuhan. Ngunit, anong ginawa ng mga haciendero? Iniutos nilang itaboy ang mg ito. Walang awing pagtataboy—binomba ng tear gas at binaril ang mga inosenteng magsasaka na hangad lamang ang kaunting lupang tunay namang sa kanila.


Maraming namatay at nasugatan, hindi pa sila nakuntento, hindi nila binayaran ang mga tao nang sapat. Hindi nila tinupad ang mga hinaing nito. Walang napala ang kawawang magsasaka. Namatay silang luhaan.


Ngayong nakaupo sa pinakamataas na pwesto si Benigno Aquino III, asahan na natin ang mahirap pang sitwasyong dadanasin ng mga magsasaka. Kibit-balikat lang ang magiging drama dahil sa kamag-anak niya ang mga tagapamahala sa Luisita. Ang masaklap, saan hihingi ng saklolo ang mga tao, kung ang sasaklolo’y kalahi rin ng mga buwaya?


Kasama rin sa film showing na aming pinanood ang mga kababalaghang nangyayari sa midya. Isiniwalat nila ito sa pamamagitan ng mga maiikling pagsasadula at pagsasabuhay ng paghihirap sa delikadong buhay ng mga journalist. Pinapaslang ang kawawang mga mamamahayag na gusto lamang magbalita ng nararapat at totoo. Tinatakot at kinokontrol para lamang lokohin ang masa. Kinukulong ang ibang hindi nila kayang bayaran at pinahihirapan. Asan ang demokratikong bansa? Ang kalayaa’y wala na ba talaga?


Marami tayong hindi alam. Hindi alam dahil ayaw nating malaman. Hindi malalaman dahil ayaw ipaalam. Huwag kang maging tanga! Alamin mo ang mga bagay na kailangang alamin. Hindi lahat ng ating naririnig ay tama, hindi rin laging mali. Sumigaw ka, isiwalat ang nararapat at ipahiyag ang tunay na nadarama, tunay na karapatan, at tunay na hustisya—labanan ang buwaya. ❒


-VFB c:


♥ ☺ ♥ And that what life brings. ♥ ☺ ♥

0 comments:

Post a Comment

I would love to hear from you...