Hello Banunay! Napakatulin nga naman ng oras, ‘no? Parang kailan lang nang lasapin mo ang
panibagong yugto ng buhay mo. Parang kailan lang noong una kang tumapak sa
kolehiyo. Kay tagal na rin pala. Kay tagal na nang araw na iyon.
Para sa akin, lahat ng first, ay mahalaga. Naroon ang unang kamalian at
ang kalakip nitong pakiramdam. Naroon ang unang hiyang paurong sulong at mga
pagdadalawang-isip kung kakausapin ko ba ang isang taong ito o hindi. Maririnig
mo ang “rubdub” ng iyong puso. Tumitibok ito na para bang nakita mo ang taong
pinapangarap at pinapantasya mo. Pero, hindi talaga dahil kabado ka lang. Wala
kang kakilala—wala ni isa. Oo, ikaw lang mag-isa.
Naalala ko pa. Late ako ng araw na iyon. Late ako noong unang
oryentasyon. Hindi ko na naabutan ang programa. Hindi ko alam kung saan ako
pupunta. Nakita ko na lang ang sarili ko na nakatayo sa gitna ng Palma Hall
Annex, hindi malaman ang gagawin. Tuliro. Nakatayo.
Dumiretso na ako sa Office of Registration (OUR) pagkatapos kong
pumunta sa Departamento ng Sikolohiya para papirmahan ang form5 ko sa
adviser.Kulang pa ako ng subjects ng mga panahong iyon, kaya naman nang
makakita ako ng kapwa psych-major din na pwedeng mapagtanungan ay pinatos ko
na. Wala nang hiya-hiya.
Sa katangahan ko (malay ko ba!), sinulat ko ang lahat ng subjects ng
tulad kong psych major na yun. Sabi ko pa, “sige na! Patingin ng subjects mo,
para classmates tayo.” Hahaha. Akala ko ay okay na, hindi pala. Pinagalitan pa
ako ng mga taong nasa registration dahil dapat daw hindi ko dapat sinusulatan
ang form5 at ang mga nakatataas lang ang pwedeng magsulat dito. Dagdag pa niya,
coputerized lahat ng transaction dito sa UP kabilang na ang pagkuha ng subject.
Nagkahiwalay na kami ng landas. Nauna na siyang natapos magpa-enroll
dahil kumpleto na ang subjects niya. Ako, naroon pa rin, nakapila. Tinext ko si
Rachel na kauna-unahan kong nakilala at naging kaibigan sa UP. Nakilala ko siya
noong April 30, 2010 sa UP Health Service. Nasa harapan ko siya ng pila ng
medical check-up kasama na ang x-ray, dental at eye vision. Sa buong pilahang
naganap, mula ng unang “hi” at “hello” naming dalawa, daldalan lang aming
ginawa. Ang masaya nito, magkaibigan pa rin kami hanggang ngayon.
Alas-tres na ng hapon nang matapos akong magpa-enroll. Masaya ako. Sa
wakas, enrolled na ako. Yey! First year na ako at dito pa sa primaryang
unibersida sa Pilipinas, sa UP-Diliman. Tuwang-tuwa rin ako dahil nakuha ko ang
Tae Kwon Do na PE. Oha!
Ibang kaba rin ang naramdaman ko noong unang araw ng pasukan. Iiba na
ang mga kaklase at bagong pakikisama na naman. Pati ang propesor, kailangan mo
ring timplahin at hanapin ag kiliti. Ibang hirap na dala dulot ng pag-aaral.
Mas matindi na ang pagpupuyat at pakapalan ng mga babasahin. Ibang buhay.
Nakakatakot—ako’y natakot.
Na-culture shock ako rito sa kolehiyo. Iba talaga ang buhay dito.
Galing ako sa pampublikong paaralan at simple ang buhay kaya naman nagulat ako
sa ibang aurang dulot ng mga mag-aaral dito. Iba-iba sila—liberated, mayaman,
sosyal, aktibista, japorms, matalino, inglisero, lahat na. Sa unang araw ng
pasukan pa lamang, ibinabandera na nila ang maagarbong sasakyan, gamit sa
eskwelahan, mamahaling cellphone at aplle na laptop. Haaaay. Payabangan na rin
ng eskwelahang pinaggalingan. Pamahalan ng damit at pabonggahan. Samantalang
ako, kung anong una kong mahalungkat sa aking damitan ayun na ang isosoot. Wala
ng mix and match at pilian pang magaganap.
Sa unang araw din ng kolehiyo, lahat ng klase ko ay hindi pinasukan ng
propesor. Hinintay namin sila ngunit hanggang sa huli, ni larawan at proxy nila
ay hindi namin nakita. Madaling madali pa naman ako sa bawat klaseng aking
pupuntahan dahil ayokong malate tapos hindi sila magpapakita. Kaasar ah. Hahaha.
Naligaw pa nga ako sa mga rooms dahil sa AS, magkahiwalay ang mga odd at even
numbers na room. Malay ko ba. Akala ko, hindi ko lang talaga makita yung room
ko. Oo, inikot ko ang buong Palma mula 1st floor hanggang 4th. Ako na!
Kay rami pang nangyari sa mga susunod na araw. May mga naging kaibigan
din naman ako kahit papaano. ‘Yung isa nga roon, nilibre pa kami ng lunch. Yum
yum yum yum! Super saya ng mga panahong iyon dahil marami kaming nagsalu-salo
at sabay-sabay na kumain. May mga nakilala rin akong hindi ko malaman kung
dadaldalin at kakausapin ko ba o hindi. Paano, sa haba-haba ng sinabi ko (daig
pa nobela), “oo” at “magaling” lang ang sasabihin. Ang mas masaklap pa, ‘yun
bang titingnan ka lang o kung hindi nama’y ngngiti. Bilang na bilang mo ang salitang
sasabihin.
Nahirapan din ako sa schedule ng klase, paano ba naman, walang pagitan
ang sujects ko. Ibig sabihin, kailangan kong lumipad patungong Math Building
galing AS Looby. Ang masaklap, saktong-sakto kung magpaalis ang prof namin sa
AS kaya kailangan naming gamitin ang mga tinatago naming superporwers para
hindi ma-late sa Math. Okay.
Halos lahat ng mga event na handog ng Student Council at ng kung ano pa
mang organizations sa tulad naming mga freshie ay aking pinuntahan. Siyempre,
minsan lang maging fresihe kaya lasapin mo ang lahat ng pwedeng lasapin!
I-enjoy baga ang pagkabata at pagka-fresh nang wala kang pagsisihan bandang
huli.
Ayun, tulad ng mga oras na lumipas buhat ng ako’y pumasok sa
unibersidad na ito at hanggang ngayong nasa ika-tatlong taon na ako ng
kolehiyo, hindi ko na ito namalayan. Nawala na rin ako sa ulirat na nasa
ikatlong pahina na ako ng pagkekwentong ito. Kay bilis, tulad ngayon. At
darating din ang araw na matatapos din ako sa yugto ng buhay kong ito tulad ng
kwento kong ito na ngayo’y binabasa niyo.
Sabi nila, hindi mo makalilimutan ang lahat ng mga una at firsts. Totoo
nga. Ngunit, hindi ito matatapos sa unang karanasan, unang kaibigan, unang
pagkatuto at unang damdamin. Masusundan at masusundan ito. Marami rin naman
akong kailangan pang gawin at maranasan, ngunit asahan niyo, hinding hindi ko
siya tatakbuhan at haharapin ng buong tapang. Hindi sa kolehiyo matatapos ang
lahat. Hindi sa pagiging freshie at kung paano ka unang naligaw. Masusundan pa
ang lahat ng simula. Mas marami pang magiging simula.
O sige na, Banunay. Tatapusin ko na ito at nang may masimulan akong
bago. J
♥ ☺ ♥ And that what life brings. ♥ ☺ ♥
0 comments:
Post a Comment
I would love to hear from you...