"In the sweetness of friendship let there be laughter, and sharing of pleasures." Enjoy your cravings :)

Wednesday, June 15, 2011

Ang Kahulugan ng Pagiging Pilipino

~Psych 108: Sikolohiyang Pilipino Reflection *Crammed* Paper. :| ~

Sa pulu-pulong isla ng Pilipinas sa may dakong Silangan, makikita mo ang bansang Pilipinas, ang pugad ng mga taong tinatawag na Pilipino. Kayumanggi ang kulay ng kanilang balat, maliit at may katamtamang pangangatawan dahil na rin sa mga ninunong tinatawag na Australopithecus. Nakatira sila sa kubo at nagsasalita ng iba't ibang lenggwahe ngunit nasolusyunan naman dahil sa pagkakatuto sa wikang kung tawagin nila ay Tagalog na ngayo'y kinikila sa wikang Filipino.


Maraming bansa na ang sumakop rito at nagkaroon ito ng implikasyon sa paghubog sa mga Pilipino. Halu-halo ang kulturang namayani sa bansa kung kaya't sabi ng ilan ay nawala na ang sarili nating pagkatao. Dahil na rin sa iba't ibang kultura kaya nga nauso ang conyo, Taglish, colonial mentality, Tsinoy at kung anu-ano pa. Ngunit, ano nga ba ang tunay na kahulugan ng pagiging isang Pilipino? Nakabase lamang ba ito sa kung gaano mo kamemorya ang Lupang Hinirang; kung paano mo kasaulo ang Ako ay Pilipino; kung gaano mo kaalam ang kasaysayan nito; at kung gaano mo kaidolo si Jose Rizal?


Uumpisahan natin ito sa mga pag-uugaling taglay ng mga taong tinatawag na Pilipino.


Pilipino o Pinoy ang mga taong kilala bilang masayahin. Ano mang problema ang dumaan sa kanyang buhay, hindi mo maalis ang ngiti sa mga labi. Hindi man napakaunlad ng bansa, lagi pa rin tayong nakangiti at positibo, mga bagay na minsa’y mabuti at nakasasama. Ito na rin ang dahilan ng konsepto ng "bahala na", isang 'di kaaya-ayang ugali ng Pinoy. "Bahala na" kung ano man ang mangyari, wala mang kasiguraduhan ang lahat, tiyak kayang-kaya nilang lampasan at ngitian iyan, gaano man kasaklap ang mangyari.


Laging huli sa oras ang mga Pinoy. Alas-kwatro ang usapan ngunit alas-singko darating. Pilipino time kung ito ay tawagin na nagsasabing tila'y wala tayong pagpapahalaga sa oras. Kaya laging nahuhuli, walang progresyon, nahuhuling umunlad.

Pilipino ka rin kung ikaw ay tumuturo gamit ang iyong nguso at bumabati sa kakilala gamit ang kilay na sabay mong itataas. Nakagawian na ito sa hindi ko malamang dahilan. Inisip ko rating pagkonektahin ang mga ugaling ito sa isa pang 'di kanais-nais na ugali ng Pinoy, ang katamaran: katamaran sa pagtataas ng kamay at pagsasabi ng "hi" sa mga kaibigan.


Mahalaga rin sa mga Pilipino ang kapwa. Sabi nga, hindi ka mabubuhay ng nag-iisa. Wala itong direktang translasyon sa Ingles at ‘di hamak na mas mabigat ang kahulugan nito para sa atin. Sa kapwa natin tayo hihingi ng tulong, makikisalamuha, makikisama, mangungutang ng pera, makikipag-away, makikipagkaibigan at marami pang iba. Sa kanila rin natin matutunan kung paano mahiya at tumanaw ng utang na loob na ilan lamang sa mga ugaling kilala ang Pinoy.


Kung may konsepto kapwa, mayroon ding pakikipagkapwa-tao. Sa Pilipinas lang makikita ang kaugaliang iyan kung saan tutulong ka sa kapwa mo at pakikisamahan mo sila ng maayos para naman ganoon rin sila sa inyo. Tutulungan at dadamayan mo sila sa oras ng kagipitan, kilala mo man o hindi. Dito rin magmumula ang tinatawag na bayanihan o ang pagtutulungan nang walang hinihintay na kapalit.


Dahil may malaking parte sa isang Pinoy ang kanyang kapwa, magkakaroon siya ng hiya. Ayaw niyang magkaroon ng pangit na imahe at ayaw niyang madusta ng iba. Pahahalagahan niya ang kanyang pangalan nang sa gayoon ay may mukha siyang maiharap sa mga taong nakapaligid sa kanya. Kapag wala kang hiya, manhid ka.


Kilala rin tayo sa kagalingan nating makisama. Tayo ang kusang mag-a-adjust sa iba’t ibang ugali ng mga tao. Dagdagan pa ng pagkakaroon ng utang na loob kung saan susuklian mo ang ginawang kabutihan ng iba, kaya’t tinatangkilik at gusto tayo ng mga dayuhan.


Tayo rin ay mapagmahal sa pamilya. Mas pipiliin pa nating tumira sa bahay ng ating magulang kahit na tayo ay may sarili nang pamilya na tinatawag na extended family. Sabi pa ng iba: mas marami;mas masaya.


Marami pa tayong ugaling mabubuti, ganoon rin ang masasama na hindi ko na maiisa-isa pa. Magkaganoon man, ito ang isa sa dahilan kung bakit tayo nagiging isang Pilipino, sa dugo man o sa papel.


Ang kahulugan ng pagiging Pilipino: pagkakaroon ng pagpapahalaga sa pamilya, kapwa Diyos at bansa. Marami tayong mga ugali, nabanggit ko man o hindi, na nakaaaapekto sa mga pinahahalagahan nating iyan. Kung hindi natin makikilala ang mga ugaling ito, hindi rin natin lubos na mauunawaan ang kahulugan ng pagka-Pilipino. Ang pagiging Pilipino ay nasasalamin sa ating mga ugali, ginagawa at pagpapahalaga.


Iba’t iba man ang mga kultura, paniniwala at kaugalian na sumaplot sa bansa, mahalaga pa rin na ipagmalaki natin ito at ipagpayabong. Sa pagiging Pilipino, tatangkilikin mo ang sarili iyo at hindi mo ito ikahihiya, isinasapuso mo ang bawat linya sa pambansang awit at mga tulang Ako ay Pilipino at Pilipinas Kong Mahal. Ginagamit ang sariling wika. Pinayayabong ang magagandang ugali at tuluyan nang titigilan ang ugaling masasama. Ang pagiging Pilipino ay pagyakap sa katotohanang ikaw ay isang Pilipino, “sa isip, sa salita, at sa gawa”.

4 comments:

Anonymous said...

WOW. ANG GANDA. PWEDE MAGTANONG? ANO PO BA IBIG SABIHIN NG PAG-IBIG SA TINUBUANG LUPA NI BONIFACIO? SUPER SALAMAT PO.

Anonymous said...

pwede po ba kayong magbigay ng talumpati ng pagpapahalaga sa pagiging asyano...
maraming salamat po...

Unknown said...

Ano po kahulugan ng tagalog?

Unknown said...

Laking tulong po ng sagot... Maraming salamat.

Post a Comment

I would love to hear from you...