"In the sweetness of friendship let there be laughter, and sharing of pleasures." Enjoy your cravings :)

Saturday, November 27, 2010

Ninong, asan na po yung regalo ko?


Pakilamero, iyan ako. Likas na sa akin ang mangialam at magbutingting sa mga bagay, ako tuloy ay nasasaktan. Nadidiskubre ko ang mga bagay-bagay, pinagdurugtong at nakakalikha ng kwento.

Nalaman ko ang mga pinaggagagawa mo. Siyempre, gusto kita at lahat ng tungkol sa'yo ay aking aalamin. Gusto kita na dumarating sa puntong sinusubaybayan ko ang mga ginagawa mo kahit na hindi mo nalalaman.

Tulad ngayon, nahihirapan ako. Ang sakit-sakit. Hindi ko alam na ganito kasakit ang pakiramdam ng isang taon nagmamahal ngunit hindi naibabalik ang damdaming iro sa kanya. Ang mas mahirap tanggapin ay ang makitang may kasama siyang iba, sa piling ng iba, masaya.

Ano nga ba kasing kwento? Ano nga bang sanhi ng panlulumo ko? Ano nga bang dahilan ng aking pagkatalo? Ito ay dahil sa iyo--SA'YO.

Naalala ko pa noong nasa Park tayo, ano nga bang sabi mo? Hindi ka magbibigay ng regalo kahit kanino. Sabi mo pa nga "once in a blue moon."

Bakit ngayon? Ano itong nakikita ko?




Binigyan mo siya ng regalo. Awch. Wala naman talaga akong karapatang makialam eh. So what kung bigyan mo siya, hindi ko naman hawak yang isip at puso mo eh! Pero kahit gaano ako katigas, unti-unting nababarag ang pulang bagay na pumipintig sa aking dibdib. Sumasakit. Humahapdi. Kumikirot. Kahit anong pilit ang gawin ko upang ipaintindi sa utak ko ang mga bagay na ito, hindi ko pa rin kayang mapigil ang sakit. Kusa ko siyang nararamdaman. Kahit na hindi ko isipin at hindi na huminga, kumikirot pa rin.

Wala naman siyang kasalanan. Wala. Ako lang naman talaga ang may problema e. Sana, ako na lang si babae. Sana bigyan mo rin ako ng regalo. Itatago ko talaga yun. Tulad na lang ng kending binigay mo. Sana ako na lang siya para hindi ako nalulungkot ngayon, kundi ay masaya. Sana ako na lang siya. Sana, ako rin.

Sa tagal na nating magkakilala, hindi mo pa ako binibigyan, paano hindi rin naman kita binibigyan eh. Nahihiya ako. Ayoko. Pero sa kaloob-looban, gusto ko. Ayoko lang kasi ng imaheng ako ang naghahabol sa iyo. Pero dahil dyan sa prinsipyo ko, ikaw naman ang kinakain ng mundo papalayo sa piling ko.

Naalala ko pa, "pwedeng kiss na lang?" Haaay. Naaalala ko na naman yun. Naalala ko na naman kung paano mo ko yamutin, asarin, at lokohin. Naaalala ko na naman ang mga ala-alang nakabaon na lamang sa ala-ala ko at kahit kailan, hindi ko na mahuhukay pa.

At ito na, nangingialam na naman ako. Isang pag-uugaling kailangan ng mga siyentista. Isang gawing hindi ko na dapat pinairal pa. Dulot nito'y kirot na panirang talaga.


0 comments:

Post a Comment

I would love to hear from you...