"In the sweetness of friendship let there be laughter, and sharing of pleasures." Enjoy your cravings :)

Thursday, January 20, 2011

Nang minsan sa kadalasan

Minsan, mas mabuti nang wala kang nalalaman sa mga bagaya-bagay. Lalo ka lang kasing masasaktan kapag alam mo ang lahat e. Masakit. Nakakamatay--hindi man literal pero ito talaga ang pakiramdam.

Masarap umibig. Masakit din naman. Parang katulad ng bittersweet--matamis at mapait. Magkasalo. Mixed emotion kung tawagin ng psychologist. Halu-halo naman kung mahilig ka sa dessert. Complicated kung sa algebra. Bilinguistic kung lingg-major ka. Duling kung may problema sa mata. Tanga, ako iyon, talaga!

Masarap umibig. Masarap sa pakiramdam, lalo na kapag tugma ang nararamdaman niyo sa isa't-isa. Mahal ka at mahal mo. Tititigan ka sa iyong mga mata habang ikaw ay masayang masayang tumititig rin sa kanya. Nakakakilig. Nakakatuwa. Para ba siyang PasaLOVE, ipapasa mo ang nararamdaman niyo sa isa't-isa. Isang mutula na romansa. Magbibigayan ng saya sa isa't-isa, sa kanila lamang dalawa, at wala ng iba pa.

Masakit umibig. Masakit. Mapait. Mahirap. Matinik. Unti-unti ka nitong pipirasuhin nang 'di mo nalalaman. Unti-unti kang masasaktan kahit 'di mo pansinin. Hindi mo matakasan. Hindi mo maiwan. Hindi mo makalimutan ang pawit sa bawat saglit na nagdaan. Masaklap ito--masaklap lalo na kapag ito'y hindi iyo. Hindi mo makuha ang kanyang mga ngiti, ang kanyang mga labi, ang kanyang mga kwento, ang kanyang tingin, ang kanyang atensyon, at ang kanyang pagmamahal.

Bitter. Bitter ang pag-ibig. Hindi ito para sa lahat dahil para ito sa iilan. Sa iilan na maswerteng nakatagpo ng katerno niya sa buhay. Lagi kasing misleading ang nangyayari. Mismatching ng damit kung maiwiwika sa fashion. Parang yung number 1 na sagot sa midterm mo ay dapat letter a at imbis na letter b. Bokya. Mali. Hindi maaari. Hindi kompatibol. Kahit anong pilit mo. Kahit anong pagmamakaawa mo sa teacher mo. Kahit na suhulan mo ang prof. mong wala nang buhok sa ulo. Kahit na pinag-aralan mo siya mabuti. Pinuyat mong magbasa at magreview. Pinatunayan mo ang sagot mo gamit ang proving. Kahit na kaya mo pa itong depensahan. Kahit magaling ka pa sa debate. Kung hindi talaga bagay, hindi talaga papasok.


Nakakalito ang pag-ibig. Ang daming pasikot-sikot. Ang daming surprise. Yung iba nakakagulat. Yung iba nakakasakit. Hindi mo alam kung hihimatayin ka--sa tuwa man o sa lungkot. Iiyak, tatawa, sisigaw--kahit anong gawin mong kilos ay okey lang--pero hindi mo maaaring kontrolin. Otomatik mo na siyang mararamdaman. Sa ayaw mo man o sa gusto.

Sa ayaw ko man, naramdaman ko ito. Itong pag-ibig ko sa'yo. Itong kirot at pasakit na nararamdaman ko tuwing may nababalitaan akong "iba" tungkol sa'yo. Itong pakiramdama na parang nagsi-circus sa aking ulo tuwing napapasaya mo ako. Ikaw ang dahilan--ng mood swing na ko. Kaunting gawi mo lang ay naapektuhan na ako. Parang causal relationship. Ahem, natural causal relation.

Minsan gusto ko na itong mawala. Yun bang putukin ang lobo sa ilong ko nang sa gayon ay matauhan na ako. Nang sa gayon, wala nang nagkakandarapang tumitig sa facebook mo. Wala na ring lokaret na nagtatago ng sama ng saloobin at dinadaan na lang sa pagsusulat na gaya nito. Walang kwenta! Walang kwenta dahil sa milyung-milyong tao sa mundo, ikaw lang pala ang makapagpaparamdam ng ganito. Sa dinami-dami ng pwedeng problemahin sa mundo, ang pag-ibig mo pa ang inaasam-asam ko. Natatakot ako, baka katulad ka rin ng math na napakakomplikado. Sa una ay mahal na mahal ko ngunit nang katagalan, pahirap ng pahirap, ay susukuan ko. Susukuan? Wala sa bokabularyo ko iyon! Pero kung nabubulok na puso ang pag-uusapan, ibang kwento na iyon. Haaaay. Broken hearted na nga sa'yo, broken hearted pa sa acads.


Minsan, mas mabuti nang wala kang alam, nang hindi ka nasasaktan. Tulad ngayon, alam ko ang password ng facebook mo--paano, binigay mo sa akin. Binigay mo sa akin dahil may ipinagawa ka. Ibinigay mo sa akin dahil nananadya ka. Oooops! Joke lang, wala lang naman sa'yo yun eh dahil ako lang ang nag-iisip nito. Ako lang ang nasasaktan. Ikikiskis mo man sa bato ang tulad kong liha, ako pa rin ang kawawa--mauubos sa isang sulok at mawawala bigla. Maglalaho. Maninibugho. Mawawala ang bisa.

Iba--sa iba ka nakatingin. Sa iba ka tumitingin habang ako sa'yo'y nakatanaw. Isipin mo mang maigi, wala talaga akong mapapala. Hanggang tingala lang naman ako eh dahil wala akong lakas ng loob na sungkitin ka. Gusto kita pero tama na. Masakit na eh. At kahit ilang bese kong sabihin ayoko na, hindi ko pa rin kaya.

Minsan, mabuti nang wala kang alam, nang hindi ka nasasaktan. Minsan, mabuti nang nasasaktan para tumigil ka na sa kahibangan. Minsan, mabuti nang ikaw ay hibang para alam mong masaya ka kahit 'di mo nararamdaman. Minsan, mabuti nang ito ang nararamdaman para lalo kang tumatag at lumakas. Minsan, hindi advisable ang pagiging matatag, dahil, minsan, akala nila, hindi mo na kailangan pa ng masasandalan.
Minsan, kailangan ko rin ng masasandalan para naman hindi ako mahulog. Minsan, mabuti nang ikaw ay mahulog para ikaw ay matauhan sa mga bagay-bagay.

Minsan kailangan mong matauhan sa katotohanan. Masakit man, ngunit kailangan.

♥ ☺ ♥ And that what life brings. ♥ ☺ ♥

0 comments:

Post a Comment

I would love to hear from you...