"In the sweetness of friendship let there be laughter, and sharing of pleasures." Enjoy your cravings :)

Wednesday, January 12, 2011

Sensasyong Makulit: Ako'y Naaakit

Nakinig ako ng musika nang hindi ako mabato. Malungkot kasi ako ngayon kaya pinakikinggan ko na lang ang mga kanta para naman sumaya ako kahit papaano. Makapupunta pa ako sa ibang mundo, gagawa ng ibang paraiso at magiging prinsesa sa kaharian ko.


Nakinig ako ng musika at dinama ito. Ang mga notang pumapasok sa aking mga tainga na sumasayaw sa hangin ang siyang nagpangiti sa aking mukha. Sabay nito ang pagpikit ng mga mata na dahang-dahang tumatakas sa magulong mundo. Nang buksan ko itong muli, nasa kaharian na ako.


Tingin dito, tingin doon. Nasaan kaya ako? Hindi ko alam. Ang alam ko lang, maganda rito—maraming puno, maraming bulaklak, maraming ibon, at may kulay asul na humahagkan sa buong kalangitan.


“Shhht!” Narinig ko iyon. Nilingon ko ang pinaggalingan ng tunog ngunit wala akong makita—ni anino, ni bakas. Akala ko naman ay may tao na, ngunit wala pala. Wala sila, wala ka, ako lang pala mag-isa.


Narinig ko ang mga yabag na papalapit sa akin. Hindi ko pa man naigagalaw ang aking ulo’y bigla namang may yumakap sa akin. Nagulat ako—sino ba ‘to? Hindi ko kasi siya makita dahil nakatalikod ako sa kanya. Pwera na lang kung may mata ako sa likod, kung nagkaganoon, mahuhuli ko kung sino siya.


Ako’y nagpumiglas. Ako’y kumawala. Ginalaw-galaw ko ang aking katawan upang matanggal ang mahigpit niyang pagkabigkis sa akin. Ngunit, nang masilayan ko ang pamilyar na mukha, bigla akong natulala. Kilala ko siya ngunit hindi ko sigurado kung siya nga iyon. Tinitigan ko ang kanyang mga mata na kumikislap-kislap pa. Nasilaw ako, masyado kasing maliwanag ang posisyon niya. Nang maka-recover na ang mga cones sa mata ko, laking pagkabigla, ikaw ang tumambad sa aking harap. Ikaw na siyang pinapagarap ko. Malapitan—tayo ay nagkatitigan. Nakayakap ka pa rin sa akin. Naramdaman ko ang init sa iyong mga bisig. Ang balbunin mong braso na kumukulong sa nanginginig kong katawan ay aking nahahawakan. Hinaplos ko ang balat mong napakalambot na nakadikit sa akin. Nagtataasan ang buhok nito, tila gusto akong tusukin. Umihip ang hangin at dinala ang mabango mong amoy. Nilanghap ko ito na para bang nalalasahan. Naramdaman ko ang elektrisidad na likha natin. Para akong tinamaan ng kidlat. Parang may isang chemical reaction na nagbibigay ng tinatawag na love.


Ako at ikaw, tayo lang ang naririto. Kinagat ko ang labi ko ngunit hindi ko naramdaman ang sakit. Kinain ko ang hawak-hawak kong sili ngunit hindi ako naanghangan. Nakatitig ka sa akin na parang hindi mo naiitindihan kung bakit ko iyon ginawa. Kaya, sinabayan ko na lang ang takbo ng istorya kahit na ako’y takang-taka.


Niyaya mo akong maglakad-lakad at pumayag naman ako. Ginalaw natin ang mga paa at tumungo sa iisang direksyon. Sabay nating pinagmasdan ang magagandang tanawin. Tinuro ko ang kunehong tumatalon at ginaya mo naman. Tawa ako ng tawa. Hindi ko napansing umuurong na pala ako sa aking pwesto. Nadulas ako at nahulog sa isang batis, mahina rin kasi ang aking sense of balance. Basa, putik—nalasahan ko pa pati ang tubig rito. Hindi maalat pero hindi matamis. Hindi ko man mawari ang lasa, naaamoy ko naman ang kanyang lansa.


Agad kang sumaklolo sa akin. Nasaksihan mo man ang lahat, hindi mo ako nagawang iligtas dahil nagulat ka sa mga pangyayari. Hingi ka ng hingi ng aking kapatawaran. Nagkukunwari akong walang naririnig. Tinapat mo ang labi mo sa tainga ko at nag-sorry ulit. Natawa ako. Nakikiliti kasi ako sa pagsayad ng buhok mo sa leeg ko.


Walang umiimik sa ating dalawa. Hindi ko na ginalaw ang aking bibig at hindi ka rin naman lumilikha ng tunog. Nabibingi ako. Nabibingi ako sa katahimikang ganito. Wala akong wavelength at amplitude na nasasagap mula sa’yo. Hindi ko man lang maramdaman ang init ng katawan mo. Nagpatuloy lang ang ating paglalakad kasabay ng katahimikan at distansya.


“Bakit mo ’ko niyakap?”


Binarag ko na ang katahimikan. Tinanong na kita. Sinagot mo naman ako ng iyong matamis na ngiti. Hindi ka nagsalita. Hindi ka nga ba nagsalita o sadyang hindi ko lang narinig?


“Brrrrrr.”


Biglang tumunog ang tiyan ko, dinig na dinig ko. Namula lalo ako, nadinig mo rin kasi—nakakahiya. Nagkatinginan tayo pareho. “Haha. Sinisipa na ako ng mga bulate ko sa t’yan!” Pabiro kong banat sa’yo. Ay! Hindi pala biro, sa totoo lang, kumikirot-kirot na talaga ang sikmura ko, ‘di pa kasi ako kumakain simula kagabi. Paano, iniisip kita eh.


Hinawakan ang aking kamay. Kinilig ako at nagsitaasan ang mga balahibo. Hinila ako ng mainit at malambot mong kamay sa gawing kaliwa. Tinanong ko kung saan tayo pupunta ngunit ‘di mo sinagot. Tinigilan ko na lang ang pagtatanong ko noong naamoy ko na ang mabangong aroma ng manok at baboy na iniihaw. Nagutom ako lalo sa amoy na iyon. Naglalalway na ang aking bibig. Natatakam na ang aking dila. Hindi ko pa man nakakain ang pagkain ay parang nalalasahan ko na.


Nang umihip ang hangin, nakaramdam ako ng lamig. Nabasa nga pala ako kanina, muntik ko nang makalimutan. Napansin mong nanginginig ang buo kong katawan. Hinipo mo ang aking noo at tiningnan kung mainit ba ito. Nababasa ko sa iyong mga mata ang bakas ng pag-aalala. Maya-maya’y isinuot mo ang iyong jacket sa akin. Inamoy ko ito at ito’y kasing bango mo—masarap sa ilong at mahalimuyak. Umupo ka ulit. Pinagmasdan lang kita. Mukha kang nahihiya. Ika’y namumula. Salamat na lang sa aking mga mata dahil alam kong nand’yan ka, sa aking tabi, hindi ako nag-iisa.


Hindi natin napansin ang oras, dapit-hapon na pala. Ang kulay kahel na humahalo sa asul na langit ay nagpakita na upang maghasik ng kanyang kayabangan at upang kami’y magnilay-nilay sa ganda nitong taglay. Nasa tabi pa rin kita, abot na abot ng kamay kong masaya, sabay nating minamasdan ang paglubog ni Haring Febo. Narinig ko ang tibok ng iyong puso. Nahuli mo naman akong nakatingin sa’yo. Akala ko’y magagalit ka, ngunit, niyakap mo akong muli. Naramdaman ko na naman ang misteryosong elektrisidad. Tumatalon ang aking puso, bumilis ang pagtakbo. Hindi ko na maitago ang nadarama ko. Nag-amoy rosas ang paligid. Ang bahaghari’y nagwala at kinulayaan ang mundo. May asul, may puti—may pula sa iyong labi. Natikman ko ito, lasang matamis na parang tsokolate ni Kupido. Narinig ko ang kalembang ng kampana, ito ay nagbabadya. Bum’welo na ang ibon at tuluyan nang kumanta. Ang sarap pakinggan: ng tono, ng boses, ng musika—tila ay umiinda-indayog. Napakasaya ko. Pinikit ko ang aking mga mata. Hinahagkan pa rin kita, habang ang Ibong Adarna ay patuloy na kumakanta.


Nakinig ako ng musika para hindi ako mabato. Hindi nga ako nabato, nakatulog naman ako. Nakatulog—hindi pala iyon totoo? Haay. Akala ko naman ay totoo na ang mga ito—ang mga nakita, narinig, naramdaman, nalasahan, naamoy—lahat ba ito’y mga pantasya?


Nakinig ako ng musika at dinama ito. Sa sobrang pagdama rito, nadala ako sa ibang paraiso—masaya, nakakakilig, naroon ka. Gabi na pala at hindi na namalayan pa ang oras. Hindi yata gumagana ang rods ng aking mga mata kaya ‘di kita makita. Pinakinggan ko na lang ulit ang kanta hanggang sa matapos. Tumuunog, sumasayaw, kinakain ako ng taglay nitong liriko. Kaya naman ngayon ako’y naguguluhan. Ako ay naging bato—hindi na alam kung anong totoo.



DISCLAIMER: This is a Psychology 101 paper.

0 comments:

Post a Comment

I would love to hear from you...