"In the sweetness of friendship let there be laughter, and sharing of pleasures." Enjoy your cravings :)

Wednesday, March 16, 2011

Pabaon ng aking Sosyolohiya

Ang bilis naman ng panahon, patapos na naman ang klase. Parang kailan lang at nanginginig ako sa takot dahil sa ibang mundong aking kinakaharap. Hindi ko na namalayang ang oras pala ay tumatakbo, tila baga kasing laging ako ang naghahabol nito. Laging hinahabol ang oras. Laging nai-stress sa mga gawain. Walang katapusang kailangang tapusin.


Ang bilis naman ng panahon, patapos na ang klase. Ang klase kung saan akala ko ay hindi na ako makatatagal. Hindi ko na mabilang kung ilang beses akong nagpuyat at nag-give up. Ang tingin ko sa buhay ay puno ng pahirap.


Ang bilis naman ng panahon, matatapos na ang klaseng ito. May natutunan ba ako sa asignaturang ito?


Ako, isang tipikal na tao sa mundo, hindi iniintindi ang buhay ng ibang tao. Walang pakialam sa galaw ng mundo, basta’t ako’y namumuhay ng payapa.


Sabi nga ni C. Wright Mills, walang pakialam ang tao sa lipunang kanyang ginagalawan lalo na kapag sila ay maligaya. Natamaan ako sa sinabi niyang ito. Oo nga, sapul na sapul ako.


Ang una naming tinalakay ay ang pagkakaroon ng ispesyal na imahinasyon. Tinawag ito ni Mills na sociological imagination kung saan may iba kang pananaw at pagtingin sa panglipunang katotohanang ipinapakita sa tatlong aspekto: kasaysayan, lipunan at bayograpiya. Dito maipapakita ang pagkakaugnay ng tao sa kanyang lipunang ginagalawan na naghuhubog sa bawat isa. Dahil sa relasyong ito ng mga tao’t lipunan, makikita natin ang dahilan ng pagkakaiba-iba ng mga tao at kung paan mabubuo ang mga institusyon.


Ang mga institusyong ito ay humuhubog sa tao na ginawa rin naman ng mga tao. Nabuo ito sa pakikipag-ugnayan ng iba’t ibang mamamayan na kahit hindi natin namamalayan ay nabubuo pa rin. Naglalayong pagsilbihan ang lipunan at permanente na sa mundo. Hindi mo na ito maalis kahit ayaw mo nito.


Ano nga ba ang mga halimbwa ng institusyon?


Pagkamulat natin sa mundo, hindi pa naman natin ang alam kung sino tayo, ano tayo, anong lenggwaheng naiintindahna natin at anong ating lahi. Ipinanganak tayong wala ngunit dala ng ating pakikisalamuha sa iba at mga pangyayari sa ating buhay tayo ay naging tayo sa kinalalagyan natin ngayon.


Ang isang pinakapayak na halimbawa ng institusyon ay ang ang pamilya. Ito raw ang una nating makikilala sa mundo na magbubo sa ating pananaw. Tuturuan tayo ng mga paniniwala, ihahanda tayo sa ibang mga bagay at ipakikilala sa atin ang iba pang institusyon..


Dahil nais nating matuto, makikilala naman natin ang institusyon na paaralan. Tuturuan tayong bumasa at sumulat, magrebelde at magkaroon ng karapatan, magdidisiplina at magsasabi ng mabuting pag-uugali, magpapamemorya ng mga arithmetic at magsasabi sa atin na tayo pala ay isang Pilipino.


Ano nga ba ulit ang ating sinasabi tuwing Lunes ng umaga...

Ang mamatay ng dahil sa iyo.

Puro mabulaklak na pangako ang ating sinasalita ngunit hindi sumagi sa aking isip na magbubuwis ng buhay para sa bayan. Siguro nga tinuturo lang talaga ito sa atin ngunit hindi sinasagawa.

Ako ay Pilipino, Ako ay Pilipino

Taas noo kahit kanino

Ang Pilipino ay ako

Naalala ko pa itong kinakanta namin tuwing Biyernes ng hapon. Tuwang tuwa kami sa pagkanta at nagpapalakasan pa. Ang pinaka-astig at matalino ay iyong malakas ang boses at kabisado ang kanta. Galing mo na nun! Papalakpakan ka pa.


Pero naisip ko, anong halaga nito? Wala namang mangyayari sa bayan kapag nakabisa ito. Sa pagpasok ko sa Socio10 kung saan iniiba ang paniniwala ko, kailangan natin ng tunay na pagbabago, pagbabago sa sistema ng pamahalaan, paggamit sa korapsiyon sa kabutihan at PAGKILOS.


Paggamit sa korapsyon? Nagulintang ako roon ah! Karamihan ng tao, alam na ang korapsyon ang pianakadahilan kung bakit maraming naghihirap. Ang katiwaliaan ang dahilan ng pagyaman ng mga mayayaman at paghirap ng mga mahihirap. Ang dahilan ng pagkapanalo ni Erap. At ang slogang ginamit ni Pangulong Noynoy.


Ano bang sinabi nila?

Kung walang kurap, walang mahirap

Iyon din ang pananaw ko rati e. Inisip ko ngang kung mamamatay ang lahat ng mga tiwali sa pamahalaan ay makakasulong na rin tayo sa lugmok. Pero, iba ang paniniwala ng aming propesor.


Mahirap tibagin ang batong matibay. Mahirap tanggalin, lalo na kung mag-isa ka lang, ang mga bagay na mas matanda sa iyo. Hindi mo hawak ang buhay ng tao at hindi mo makokontrol ang pag-iisip nila kaya hindi mo sila mapapasunod sa kung anong gusto mo. Hindi mo kayang tanggalin ang korapsyong nananahan na sa institusyon.


Ang mas maganda, gamitin daw natin ito sa produktibong paraan. Hindi man natin ito matibag, hayaan na lang natin ito at gamitin sa pagpapaunlad. Tulad ng ibang mga bansa, lalo na ang South Korea at China na matindi ang korasyon ngnit yumayaman.


Pamilya, eskwelahan, Pilipinas, nasyonalismo, lahi, simbahan, media, fashion,at korapsyon. Ilan lamang yan sa mga institusyong humuhubog sa atin.


Tinalakay din ang pagiging nasyon. Ito ay isang konsepto, hindi mahahawakan ngunit alam mong naroon. Ito ang pagtanggap sa lahi mo at sa bayang iyong ginagalawan. Kabilang ka ng isang sangay na namumuhay kasama ang mga taong kaparehas mo ng paniniwala, kulay, pisikal na pangangatawan, lugar at wika. Mga bagay na bumubuo sa isang bansa.


Talakayin natin ang mga simbolisismo nito. Anahaw bilang pambasang dahon, agila bilang pambansang ibon, kalabaw bilang pambansang hayop, bangus bilang pambansang isda, bahay-kubo bilang pambansang bahay, at Lupang Hinirang bilang pambansang awit.


Nagkaroon ng mga ito dahil inirerepresenta raw nila ang ating bansa. Tulad ng agilang lumilipad ng mataas na tulad rin ng Pilipinas na humahataw pataas. Kinukumpara natin ang bayan bilang isang kalabaw na masisipag na tulad rin natin ay hindi sumusuko sa mga gawain. Ang bahay-kubo na nagrerepresenta ng Pilipinas dahil dito lang ito matatagpuan.


Talagang ganyan ang Pilipino, kinukumpara natin ang sarili sa magandang bagay at hindi ibinabandera sa iba ang mga mababahong kaugalian tulad ng ningas kugon, maniana habits, bahala na, crab mentality at marami pang iba.


Hindi naman niya sinagot ang kanyang tanong kung ang Pilipinas ba ay over populated. Hindi niya dinrektang sinabing mataas na ang ating populasyon bagkus ay binato kami ng mga numero. Mayroon tayong pagtaas sa populasyon na 1.9 bahagdan taon-taon at mahigit sa 90,000 sa kasalukuyan. Kung ganito karami ang bilang, kahit na mababa ang growing rate, tiyak na mauubusan na tayo ng ispasyo sa turahan at ang masaklap, kailangan pa natin ng importasyon sa pagkain dahil hindi na kayang pakainin ng mga magsasaka ang libo-libo katao.


Ang bilis naman ng panahon, maggagabi na naman. Nagpapalit na ang mga pahina sa kalendaryo. Matatapos na ang asignaturang ito. May natutunan ba ako? Hindi ko alam. Basta ang alam ko, hinuhubog tayo ng lipunan at hinuhubog rin natin ito. Kung anong gawin mo sa lipunan mo ay mauugnay sa pamayanan mo.


Ang bilis naman ng panahon, ang bilis umikot ng oras. Sana nga lang ay pwede itong pahintuin, huwag nang pagalawin, at akin nang kontrolin. Pero hindi pala pwede, institusyon rin pala ito.


♥ ☺ ♥ And that what life brings. ♥ ☺ ♥

0 comments:

Post a Comment

I would love to hear from you...